Pagbaril ng riding in tandem sa isang lalaki sa Maynila, huling-huli sa CCTV
Nahuli sa closed-circuit-television camera ang paglingon ng isang lalaki na katatawid lang sa kalsada, na kaagad sinundan ng pagsulpot ng riding in tandem at pagbaril sa kaniya sa Tondo, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV ng barangay nang tumawid sa kalsada ang biktimang si Danilo Mendoza Jr., kasama pa ang batang anak dakong 8:30 p.m.
Ilang segundo matapos makatawid, dalawang lalaki na nakamotorsiklo ang dumating at binaril si Mendoza na tinamaan sa leeg at kaagad na bumagsak.
Mabilis namang umalis ang mga salarin na hindi nakilala dahil may suot na helmet at sumbrero.
Isinugod sa ospital si Mendoza, 39-anyos, isang tricycle driver, pero binawian din ng buhay.
Kuwento ng live-in partner ni Mendoza, katatapos lang mamasada ng biktima nang mangyari ang krimen.
"Yung nasa hulihan, tinawag yung asawa ko, sabi niya 'Nilo,' tapos biglang lumingon na ganyan, pinutukan na siya dito," saad ng ginang.
Hinala niya, baka may kinalaman sa krimen ang isa umanong pulis na nakasagutan ng biktima noong nakaraang Biyernes.
Pero hindi niya alam ang pangalan ng nasabing pulis.
Ang pulisya, kasama namang iimbestigahan ang umano'y paggamit noon ng biktima ng iligal na droga. -- FRJ, GMA News