ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
MAY TAPE NA SA MUKHA AT KARATULA

Tricycle driver na pinaniniwalaang isa-'salvage,' nakaligtas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi gaya ng ibang biktima na inaakusahang drug pusher na patay na nang makita, napalad na buhay na nakita ang isang tricycle driver na mula sa Rizal ay dinala sa Laguna ng mga hindi pa nakikilalang lalaki para doon sana itatapon at pinaniniwalaang papatayin.

Sa exclusive report ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, may duct-tape na sa mukha at nakatali ang kamay nang makita ng mga pulis si Leonardo Ansay.

May napunit na papel din na idinikit sa likod ng kaniyang damit na mababasa ang mga letrang "...sher pero."

Ayon kay Ansay, namamasada siya sa Tanay, Rizal nang may maisakay siyang pasahero na lalaki.

Sa lugar na pinagpahatiran ng pasahero, mayroon umanong nakaparadang kotse at doon siya isinakay ng dalawang lalaki.

"Isinakay ako sa kotse tapos piniringan ako ng mata. Pumunta kami sa parang hideout," ayon sa biktima.

Doon daw siya binugbog ng hindi niya nabilang na suspek at saka tinutukan ng baril.

"Sabi ng isa, hintayin natin si boss para masentensyahan na 'yan. Pinapili ako kung buhay o patay. Sabi ko buhay," patuloy ni Ansay.

Dinala na ang biktima sa Mabitac, Laguna pero may nagpapatrolyang mga awtoridad kaya iniwan na lang ng mga suspek ang tricycle driver.

Inamin ni Ansay na gumagamit siya ng iligal na droga paminsan-minsan pero hindi raw siya nagtutulak o nagbebenta.

Palaisipan kay Ansay kung sino ang nasa likod ng pagdukot sa kanya, at hindi pa natatagpuan ang pina- pasada niyang tricycle.

Mula naman sa Mabitac police ay ililipat si Ansay sa Tanay police para ipagpatuloy ang imbestigasyon. -- FRJ, GMA News