ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Task force Guimaras oil spill binuwag


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binuwag na ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang regional task force na namamahala sa malawakang oil spill sa isla ng Guimaras, ang pinakamalalang ecological disaster sa kasaysayan ng bansa na naganap noong isang taon. Iniulat ng Iloilo-based news site The News Today nitong Biyernes na ayon kay Rafael Coscolluela, outgoing presidential adviser for Western Visayas, inilabas ni Mrs. Arroyo ang Administrative Order 191 na lumalansag sa grupo.. Ayon kay Coscolluela, ang pagbuwag sa Task Force Solar I Oil Spill (TF SOS) ay ginawa upang maging mas epektibo ang paraan ng implementasyon at rehabilitasyon ng programa ng gobyerno sa mga apektadong lugar. Sa utos ng Pangulo, inatasan na rin ang National Disaster Coordinating Council (NDCC) upang rebisuhin at aprubahan ang mga panukala ng iba’t-ibang ahensya at pamunuan ang paggamit ng calamity funds sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar. Ang Office of Civil Defense-Western Visayas ang tatayong secretariat, ayon kay Coscolluela. Sinabi rin ni Coscolluela na ang utos ay bunsod ng sinasabing kawalan ng kakayanan niya na ipagpatuloy pa ang pamumuno sa task force kapag tinanggap na niya ang bagong posisyon bilang administrator ng Philippine Sugar Administration sa susunod na buwan. Binuo ang Task Force SOS matapos ang paglubog ng M/T Solar I noong Aug. 11, 2006 malapit sa baybayin ng Guimaras. Naapektuhan ng kumalat na bunker oil ang lamang dagat at tubig sa lugar kung saan napilitang lumikas ang ilang mangingisda sa maraming probinsya. Kabilang sa naturang task force ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na karamihana y nakatuon sa disaster response and management. Ang mga ahesyang ito ay ang: Office of Civil Defense, Philippine National Police, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, Department of Social Welfare at Development and the Coast Guard. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV