ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 miyembro ng pamilya, patay nang makuryente sa alambreng nadikit sa nakasaksak ng charger


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Labis ang paghihinagpis ng isang biyuda sa sinapit ng limang miyembro ng kaniyang pamilya na namatay makaraang makuryente sa alambre ng sampayan na nadikit sa nakasaksak na charger sa Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing hindi matanggap ni aling Nida Mendoza ang nangyari sa kaniyang pamilya na halos maubos sa nangyaring trahediya sa kanilang bahay sa barangay Bacundao East sa Malasiqui, Pangasinan nitong Lunes.

Kasama sa mga nasawi ang kanyang dalawang anak na sina Rochelle at Michael Mendoza, ang manugang niyang si Ariel Colarco, apong si Gianne Colarco, at pamangkin na si Henry Mendoza.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nagkakabit umano ng sampayan ang mag-live in partner na sina Ariel at Rochelle nang madikit ang alambre sa nakasaksak na charger.

Isang ginang na nagtungo sa lugar ang una raw nakakita sa tatlong bangkay sa loob ng bahay at ipinaalam niya ito sa mga awtoridad.

Nang puntahan ng mga awtoridad ang bahay, nakita pa ang dalawang bangkay.

Humihingi ngayon ng tulong pinansiyal ang tinderang si Aling Nida para maipalibing ang kaniyang nasawing mga kaanak. -- FRJ, GMA News