Buhay na bagong silang na sanggol, nakita sa basurahan sa Valenzuela City
Hindi naiwasan ng isang ginang na maging emosyunal sa sinapit ng isang bagong silang na sanggol na kaniyang dinala sa ospital matapos na nakitang naghihingalo sa loob ng plastik at iniwan sa isang basurahan sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing Huwebes ng hapon nang makita ng isang lalaki ang plastik sa basurahan na inakalang pusa ang laman sa barangay Marulas.
Nang buksan ang plastik tumambad ang naghihingalong sanggol na nakitaan ng mga pasa at sugat sa ulo.
Kaagad na humingi ng tulong ang lalaki sa mga residente at isang ginang ang kaagad na nagdala sa sanggol sa ospital.
"Yung nakita ko si baby parang yung hirap siya maghinga, habang nagda-drive natakot din ako baka mamatay ganyan 'di ako umabot," kuwento ng ginang na si Bam Lim.
Labis ang lungkot at pagkadismaya si Lim sa sinapit ng sanggol lalo na nang malaman niya na nakitaan ito sa ospital ng pasa sa mukha, sugat sa ulo at pangingitim sa tenga.
"Parang sa amin sobrang hirap na mag-baby kami tapos may...," naiiyak na pahayag ng ginang. "Parang hindi lang sa kaniya, sa iba [rin] na nagkaroon ng baby na hindi n'yo plinano o 'di ninyo gusto, 'wag n'yo na lang sanang itapon. Puwede n'yo namang ipaampon."
Giit pa niya, maraming ina at maraming mag-asawa ang gusto pero hirap na magkaroon ng anak kaya dismayado siya na may mga taong basta na lang magtatapon ng kanilang sanggol.
Nitong Biyernes, pinabinyagan nina Lim ang sanggol na pinangalanan nilang "Jade."
Dahil din umano sa post tungkol sa sinapit kay baby Jade sa Facebook, bumuhos ang tulong para sa bata. Pero bukod sa tulong pinansyal, panalangin daw ang kailangan ng sanggol para makaligtas sa kritikal niyang kalagayan.
Ayon kay Lim, may nakita sa ulo ng sanggol kaya ipasusuri siya sa neuro surgeon at kinakailangan ding ma-ultra sound. -- FRJ, GMA News