ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
GINAWA RAW PANANGGA NG AMA

4-anyos na babae, nasawi nang mabaril sa buy-bust operation


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasawi ang isang batang babae na apat na taong gulang matapos siyang tamaan ng bala ng baril sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na ginawa umanong human shield ni Aldrick Barbon ang anak nitong biktima nang masukol sa isinagawang buy-bust operation sa Guihulngan, Negros Oriental.

Papuputukan daw ni Barbon ang mga operatiba kaya binaril nila ito ng dalawang beses kung saan tumagos ang isang bala at tumama sa batang biktima.

Ayon sa lola ng bata, hindi makagalaw o makapagsalita ang kaniyang apo at hindi pa natatanggal ang balang bumaon sa likurang bahagi ng kanyang kaliwang balikat.

Sa hiwalay ng ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes ng gabi, sinabing binawian ng buhay ang bata habang ginagamot sa ospital.

Giit ng pulisya, nasa top 5 sa drug watchlist si Barbon sa Negros Island.

Bukod sa kalibre 38 baril at bala, nakuha umano kay Barbon ang apat na pakete na may laman na hinihinalang shabu.

BATANG NASAWI SA DAGUPAN CITY

Samantala, inilibing na ang limang-taong-gulang na batang babae na nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala ng mga salaring nagbalak na patayin ang kaniyang lolo sa Dagupan City, Pangasinan.

Hinihinala na may kinalaman sa droga ang krimen dahil iniuugnay ang lolo nito sa iligal na droga, na itinanggi naman ng pamilya nito.

Ayon sa pulisya, nakilala at nakasuhan na ang suspek sa pamamaril pero hindi pa ito nahuhuli. -- FRJ, GMA News