11, patay sa magkakahiwalay na insidente ng karahasan sa Maynila, Pasay, Caloocan, at Ormoc
Labing-isa katao--kabilang ang apat na kabataan--ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng karahasan sa Maynila, Pasay, Caloocan, at Ormoc City.
Sa Maynila, pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang mga tanod ng barangay 649 na sina Rogelio Quitalig at Mark Real sa Baseco Compound Port Area nitong Biyernes ng gabi.
Sinabing tumutulong ang dalawang biktima sa pagpapatupad ng pulisya ng Oplan Tokhang kontra sa iligal na droga sa kanilang lugar.
Sa Baseco Compound Port Area pa rin, binaril din ng hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng kaniyang bahay ang construction worker si Mads Ambang, 38-anyos.
Construction worker na dati umanong drug user, patay nang pagbabarilin sa Port Area Maynila. @dzbb pic.twitter.com/kkxczNs5M4
— James Agustin (@_jamesJA) September 2, 2016
Aminado naman ang mga kaanak ng biktima na dati itong gumagamit ng iligal na droga pero tumigil na umano.
Sa Pasay City, binaril at napatay ng nakatakas na salarin ang dati umanong gumagamit ng droga na si John Sayson,40-anyos, sa Electrical Road Pasay City dakong 1:00 am nitong Sabado.
Nakatakas at hindi nakilala ang salarin na sakay umano ng motorsiklo.
Lalaki, patay matapos pagbabarilin sa EDSA corner F.B. Harrison Pasay City. @dzbb pic.twitter.com/uGe2kvKfvo
— James Agustin (@_jamesJA) September 2, 2016
Samantala, nadiskubre naman sa panulukan ng EDSA at FB Harrison sa Pasay City dakong 1:00 a.m. ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na may tama ng bala.
Sa Caloocan City, nadiskubre ang duguang bangkay ng isang lalaki at isang babae na may tama ng bala ng baril sa katawan sa west service road ng barangay 161.
Walang pagkakakilanlan sa mga biktima maliban sa tattoo na "Alheng" at "Torre" sa lalaki, habang may tattoo ng scorpion ang kaliwang paa ng babae.
Samantala, natagpuan naman ang mga bangkay ng apat na kabataan--kabilang ang isang babae-- sa magkahiwalay na lugar sa Ormoc City, Leyte nitong Biyernes.
Nakita ang bangkay ng isang babae at isang lalaki sa barangay Salvacion, habang sa barangay Sumangga naman nakita ang dalawa pang bangkay ng lalaki.
Isa sa mga biktima ay kinilala ng ama na si Jason Carillo, 16-anyos.
Pawang nagtamo ng tama ng bala ang mga biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News