Naiwang bag, nagdulot ng takot sa isang kainan sa Davao City
Nagmistulang pagsasanay ang pagkakaiwan sa isang bag sa isang kainan sa Davao City na naging dahilan para maalarma ang mga tao at kaagad na tumawag sa mga awtoridad.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV's "State of the Nation with Jessica Soho," nitong Martes, sinabing naalarma at tumawag kaagad sa Emergency 911 ang isang trabahador ng kainan nang makita ang naiwang bag.
Matatandaan na nito lamang nagdaang Biyernes ay isang bomba ang sumabog sa Roxas night market na nagresulta sa pagkakasawi ng 14 katao at pagkakasugat ng mahigit 60 iba pa.
Kaagad naman dumating ang mga awtoridad na kinabibilangan ng mga pulis, mga taga-Task Force Davao, at may dalang K-9 unit.
Mabilis nilang kinordonan ang lugar at pinalayo ang mga tao. Kasunod nito ay pinapasok na ang bomb sniffing dog para suriin ang bag.
Matapos na amuyin ng aso ang bag at magnegatibo sa anumang uri ng pampasabog, hinatak ang bag sa pamamagitan lubid para masuri ang laman nito.
Pero bago pa man tuluyang mabusisi ang mga gamit, dumating ang may-ari ng bag na hiyang-hiya sa nangyari.
Humingi siya ng paumanhin sa lahat ng mga naabala.
Sa kabila ng pangyayari, ipinaalala pa rin ng mga awtoridad huwag magbabakasakali kung may makikitang kahina-hinalang gamit at itawag kaagad sa kanila.
Pinaalalahan din ang publiko na maging maingat sa kanilang mga gamit upang hindi makaabala at hindi makapagdulot ng pangamba sa iba. -- FRJ, GMA News