Lalaki, binaril at pinatay kahit nasa mataong lugar sa Maynila
Nakunan sa closed-circuit-television (CCTV) camera ang pagtutok ng baril ng isang lalaki sa kaniyang biktima sa isang mataong barangay sa Tondo, Maynila. Kahit nakatakbo ang biktima, hindi siya nilubayan ng salarin.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, ipinakita ang CCTV footage habang nakatayo sa gilid ng kalsada sa Leyte street ang biktimang kilala lamang sa alyas na "Joven."
Hindi nagtagal, isang lalaki ang sumulpot mula sa kabilang kalsada at tumawid patungo sa biktima sabay bunot ng baril.
Sinalag pa ng biktima ang baril bago tumakbo pero hinabol pa rin siya ng salarin at pinagbabaril nang maabutan.
Ayon sa isang opisyal ng barangay, hindi residente pero madalas daw itong dumadayo sa kanilang lugar at wala silang alam na ginagawa nitong masama.
Palaisipan pa sa barangay ang motibo sa pamamaril at pagkatao ng salarin.
2, patay sa Pasay
Samantala, patay naman ang mag-live in partner sa Pasay City matapos silang pagbababarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Sa ulat ni Vonne Aquino, dakong 4:00 a.m. nang dumating umano ang mga salarin sa lugar ng mga biktimang sina Jaylord Clemente at Marlyn Cortez sa barangay 190.
Kaagad na nasawi si Clemente habang sa ospital naman pumanaw si Cortez dahil sa tinamo nilang mga tama ng bala ng baril.
Tumakas umano ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. -- FRJ, GMA News