3 lalaki, pinasok at binaril sa kani-kanilang bahay sa Pasig City
Tatlong lalaki ang pinasok sa kani-kanilang bahay ng mga salarin at saka pinagbabaril sa Pasig City. Ang dalawa sa mga biktima, pinatay habang katabi ang mga anak.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balita Pilipinas," sinabing patay sa pamamaril sa loob ng kaniyang bahay sa barangay Rosario sa Pasig si Jessie Dabon.
Ayon sa kinakasama ni Dabon, dakong 11:00 p.m. nang pasukin sila ng mga armadong lalaki at binaril ang biktima habang natutulog katabi ng mga anak.
Aminado ang ginang na gumagamit ng iligal na droga ang biktima pero hindi niya alam kung sino ang posibleng pumatay sa kaniyang kinakasama.
Pinasok din sa loob ng kaniyang bahay sa barangay Caniogan, Pasig at binaril sa harap ng mga anak si Enrico Espinoza nitong Huwebes ng hatinggabi.
Ayon sa kapatid ng biktima, hinatak sa paa ng mga salarin ang natutulog na si Enrico para isama.
Nang tumanggi ang biktima, binaril na ito sa harap ng mga anak.
Apat na lalaking sakay ng motorsiklo ang nakita ng mga kaanak ng biktima na tumakas.
Aminado ang kanyang mga kaanak na gumagamit ng droga ang biktima pero sumuko na raw ito sa Oplan Tokhang.
Hindi matanggap ng mga kaanak ng biktima ang sinapit nito na basta na lamang pinatay.
Sa loob din ng bahay pinagbabaril si Mark Anthony Pandes ng tatlong lalaki na nakamotorsiklo.
Nadala pa sa ospital si Pandes pero binawian din ito ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News