Brgy. chairman sa Caloocan, sinugod ng apat na lalaki at pinagbabaril
Patay sa pamamaril ang chairman ng barangay 118 sa Caloocan City matapos siyang sugurin ng apat na lalaki na nakatakip ang mga mukha.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV dakong 6:00 p.m. ang pagsugod ng apat na armadong lalaki sa junk shop ng biktimang si chairman ni Prolly Bolo.
Ayon sa kaibigan ni Bolo na nasa lugar din nang sandaling iyon, itinaas daw ng biktima ang kamay pero pinagbabaril pa rin ng mga salarin.
Nakasuot ng helmet at sumbrero ang mga salarin kaya hindi madaling makilala.
Nangyari ang krimen ilang minuto matapos na makunan din sa CCTV camera ang pagdating ng isang police mobile sa lugar at bumaba ang isang lalaki na nakasibilyan.
Nakita rin na pumasok ang naturang lalaki sa junk shop at nang lumabas ay kasama na ang kapitan.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima pero iginiit nilang hindi sangkot sa droga ang biktima.
Pero nakatitiyak sila na ang biktima ang pakay ng mga salarin dahil may lalaki umanong nakunan din sa CCTV na pabalik-balik sa lugar ilang oras matapos mangyari ang krimen.
Bumuo na umano ng special investigating task group ang Caloocan police para matutukan ang kaso. -- FRJ, GMA News