Duterte, 'di raw tinalakay kay Widodo ang kapalaran ni Mary Jane Veloso
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes na hindi niya tinalakay kay Indonesian President Joko Widodo ang kapalaran ng convicted Filipino drug courier na si Mary Jane Veloso.
Ginawa ng pangulo ang pahayag isang araw matapos lumabas ang isang ulat sa Indonesia na sinabi umano ni Widodo na nagbigay ng "go signal" si Duterte para sa pagbitay kay Veloso.
Nagtungo si Duterte sa Indonesia noong nakaraang linggo para sa working visit.
"We never mentioned Veloso. Sinabi ko lang, we will respect the judgment of your courts. Period," saad ni Duterte sa kaniyang talumpati sa 250th Philippine Airlift Wing sa Villamor Air Base nitong Martes.
"It would have been a bad taste in the mouth to be talking about—having a strong posture against drugs, and here you are begging for something," dagdag niya.
Giit pa ni Duterte, walang siyang dapat ihingi ng paumanhin dahil ang "batas ay batas."
Una rito, ipinaliwanag ni Presidential spokesperson Ernesto Abella na paggalang lamang sa batas ng Indonesia ang napag-usapan nina Duterte at Widodo.
Taong 2015 nang ipagpaliban ng Indonesia ang pagbitay kay Veloso, inakusahang nagpuslit ng droga sa nasabing bansa.
Pero paliwanag ng kampo ni Veloso, hindi niya alam na may droga ang bagahe na ipinadala sa kaniya.
Nadakip sa Pilipinas ang sinasabing nasa likod ng pagpapabiyahe ng droga at patuloy na dinidinig ang kaso. —FRJ, GMA News