Pulis na nakunan ng video na gumagamit umano ng droga, patay sa pamamaril
Natagpuang patay at may tama ng bala ng baril ang isang pulis sa Bulacan na naunang nakunan ng video na gumagamit umano ng shabu.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakita ang duguang bangkay ni PO1 Albino Abil sa barangay Gumaoc sa San Jose del Monte, Bulacan noong Biyernes ng gabi.
Binaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin si Abil at iniwanan ng plakard ang kaniyang bangkay at may nakasulat na, "wag tularan, adik na pulis, carnapper."
Ayon sa pulisya, droga ang tinitingnang motibo sa pagpatay kay Abil na nakatalaga sa Bocaue police.
Ilang araw bago ang pamamaslang, nakunan ng video si Abil na naglalaro ng '"cara y cruz" kasama ang ilang lalaki at gumagamit umano ng iligal na droga.
Hinala ng pulisya, posibleng pinatay si Abil para hindi matukoy kung sino man ang posibleng mga kasamahan niya.
Ipinagtaka rin ng pulisya ng Bulacan ang pagkakadawit ni Abil sa droga dahil nagnegatibo umano ang resulta nito sa drug test na ginawa noong July.
Simula noong July 1 hanggang Setyembre 8, umabot na sa 91 ang mga biktima ng summary execution sa Bulacan, at ikalawa si Abil sa mga pulis na napatay na iniuugnay sa droga. -- FRJ, GMA News