Pintuan ng Simbahan, bukas para sa drug dependents —Cardinal Tagle
Binuksan ni Luis Antonio Cardinal Tagle ang pintuan ng Simbahan ng Archdiocese of Manila para sa mga drug dependent na sumuko.
Sa isang programa sa Radyo Veritas inot Huwebes, ipinapanalangin din ng Cardinal na basbasan ang kababaang-loob na pagsuko at kahandaan ng drug users at pushers na magbagong-buhay.
“Buong pag-ibig po namin kayong tinatanggap at ipinapanalangin namin na ang inyong kababaang loob na pagsuko at inyong kahandaan na magbagong buhay ay basbasan ng Panginoon," pahayag ni Cardinal Tagle nitong Huwebes.
Tiwala si Cardinal Tagle na sa pagtutulungan ng Simbahan at pamahalaan sa programang “Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay” ay makamit ang inaasam na pagbabagong-buhay ng sumukong drug users at pushers.
“Binabati ko po sa isang natatanging pamamaraan ang mga kapatid natin na may problema sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot na nag-surrender sa mga local government unit at sa mga Barangay. Binabati ko kayo dahil ang iba sa inyo ay pinagkakatiwala ng LGUs sa Simbahan," pahayag ni Tagle.
Tinatanggap po kayo ng Archdiocese of Manila sa pagtutulungan ng Simbahan at pamahalaan, sana nga ay makamit natin ang hinahanap natin at inaasam natin na pagbabagong buhay," dagdag ni Tagle.
Ayon kay Tagle, tatlong aspekto ang mai-aalay ng Simbahan sa pagkalinga sa mga sumukong drug dependents:
- Paghusubong ng buhay espiritwal ng mga sumukong drug dependents at drug pushers;
- Tutulungan ng Archdiocese of Manila ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng livelihood projects; at
- Skills formation para sa drug dependents;
Ang "Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay" program ay binubuo ng Caritas Restorative Justice Ministry, Center for Family Ministries (CEFAM), University of Sto.Tomas Graduate School Psycho-Trauma(UST-GS-PRC), DAP, PCCID, Department of Health, Department of Interior and Local Government(DILG), Philippine National Police (PNP) at Radio Veritas.
Sinimulan noong Setyembre 14 ng Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry ang ‘Sanlakbay’ – Community Based Rehabilitation Program sa San Roque de Manila Parish bilang bahagi ng pagtugon ng Simbahan sa kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga.
Ipinaliwanag ni Father Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, priest-in-charge ng Restorative Justice Ministry, na layunin ng ‘Sanlakbay’ na samahan ang mga sumukong drug dependents sa kanilang laban na baguhin ang kanilang pamumuhay. — LBG, GMA News