ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na sangkot daw sa droga, napatay ng mga pulis sa Quezon City at Maynila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlong sangkot umano sa droga sa Quezon City at isa naman sa Maynila ang napatay ng mga pulis sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad.

Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na nagsasagawa sila ng Oplan-Tokhang sa barangay Pag-asa sa Quezon City nang maabutan nilang nagre-repack umano ng droga sa isang bahay ang grupo ng napatay na si Alex Bacora.

Kaagad daw pinaputukan ng grupo ni Bacora ang mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasawi ni Bacora, isang alyas Messy at isang alyas Camal, na pawang nasa drug watchlist umano ng pulisya.

Nakuha umano sa bahay ang dalawang baril, mga drug paraphernalia, timbangan at hinihinalang shabu.

Hindi naman kaagad nakapasok sa lugar ang SOCO at media dahil may natagpuang granada at isang 'di matukoy na pampasabog sa loob ng bahay.

Ipagpapatuloy umano ng mga pulis ang paggalugad sa lugar dahil mahigit 50 drug personalities umano ang naninirahan dito.

Samantala sa Quiapo, Maynila, napatay naman ng mga pulis ang isang alias "Andong" na umanong pusher matapos magtangkang makipagbarilan sa mga pulis.

Nagsagawa raw ng follow-up operation ang mga pulis matapos isumbong ng barangay ang tungkol sa patutulak ng shabu at ginagawang drug den ang bahay ni "Andong" na nasa ilalim ng tulay.

Papasukin na daw ng mga pulis ang bahay nang makadinig sila ng tila pagkakasa ng baril mula sa loob nito.

May mga kasama rin daw si Andong kaya kaagad silang nagpaputok nang pumasok sa bahay.

Napatay si Andong pero nakatakas ang mga kasama nito. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs