SC, kinatigan ang desisyon ng SET na natural-born Filipino citizen si Sen. Poe
Ilang buwan matapos ganapin ang nakaraang May presidential election, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na umaayon sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagsasabing natural-born Filipino citizen si Senadora Grace Poe.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kinatigan ng mga mahistrado ang desisyon ng SET sa botong 9-3.
Ayon sa desisyon ng SC, kabilang sa mga sapat na ebidensiyang nagpapatunay na maaaring Pilipino ang isa sa mga magulang ni Poe ay ang pagkakakita sa senadora noong sanggol pa siya sa isang simbahan sa Iloilo.
Sabi pa ng SC, kahit naging American citizen si Poe, kuwalipikado siyang makakuha muli ng Filipino citizenship.
Matatandaan na ang usapin sa citizenship ni Poe ang isa sa mga ginamit na pagkuwestiyon sa kaniya bilang kandidato sa nakaraang halalan sa panguluhan na ang nanalo ay si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw naman ng SC na hindi pa pinal ang kanilang desisyon at maaaring maghain ng mosyon ang nag-aakusa laban kay Poe na si Rizalito David.
Ayon naman sa kampo ni David, iginagalang nila ang desisyon ng SC at pag-aaralan daw muna nila ang nasabing desisyon. -- FRJ, GMA News