2 suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa isang brgy chairman, kilala sa social media
Kilala at may mga follower sa social media ang dalawang mala-artistahing suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa isang barangay chairman sa Maynila na nakita ang bangkay sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, may malaking bilang ng follower sa kanilang social media account ang 18-anyos na si Matthew Ivan Chopitea, at 17-anyos niyang kaibigan.
Nang maibalita nitong Miyerkules na ang dalawa ang itinuturong suspek sa pagkamatay ni Reynaldo Jacaban, chairman ng isang barangay sa Paco, Maynila, naging usap-usapan sa social media ang dalawa.
Nadakip ang dalawa sa Cavite, ilang araw matapos makita ang bangkay ni Jacaban sa San Mateo na sinakal at sinagasaan pa.
Nawawala umano ang dalang pera ng biktima ng aabot sa P300,000.00 na pampasahod daw sa mga tauhan ng kapitan.
Nasampahan na umano ng demanda ang dalawa, ayon sa ulat.
Pero ayon sa pulisya, kinukuwestyon ng abogado ng mga suspek ang pagkakaaresto sa mga ito dahil nahuli sila makalipas ang pitong araw matapos mangyari ang krimen.
Dahil dito, idinahilan ng kampo ng mga suspek na napaso na ang 36-hour reglementary period sa paghuli sa mga ito.
Pero iginiit ng PNP, legal ang kanilang operasyon at 'hot pursuit' ang ginawa nilang pagtugis sa mga suspek.
Natukoy umano ang dalawa sa mga bagay na naiwan sa crime scene gaya ng resibo sa isang convenient store na dinaanan ng biktima at mga suspek bago nangyari ang krimen.
Sa CCTV footage ng convenient store, nakita ang dalawa at ang biktima na bumili sa naturang tindahan.
Hinala ng pulisya, napansin ng mga suspek ang perang dala ng biktima sa loob ng sasakyan. -- FRJ, GMA News