ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4, patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Metro Manila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apat na lalaki ang pinatay ng mga hindi kilalang salarin sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Mandaluyong, Maynila at Quezon City. Ang mga biktima, pawang iniuugnay sa droga.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing nakita ang bangkay ng dalawang lalaki sa labas ng SUV na nakatigil sa Calbayog street, barangay Highway Hill sa Mandaluyong City, dakong 2:00 a.m.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang dalawang biktima na sinasabing nanggaling sa isang binggohan.

May kasama rin umanong isang babae ang dalawang biktima na nasugatan at naisugod sa ospital.

Hindi pa batid ang pagkakakilanlan ang mga lalaki pero may iniwang karatula umano ang mga salarin na nag-uugnay sa mga biktima sa droga.

May nakita rin daw na baril sa mga biktima.

Isang ginang ang dumating sa pinangyarihan ng krimen na nagpakilalang ina ng isa sa mga biktima.

Iginiit niyang hindi sangkot sa droga ang kanyang anak.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

Labis naman ang paghihinagpis ng isang ina nang makitang bangkay na ang kaniyang anak na si Sandrex Ampoan.

Binaril si Ampoan habang nakaupo sa isang tricycle ng mga salarin na nakamotorsiklo sa barangay 900 sa Punta, Sta Ana, Maynila dakong 10:00 pm nitong Biyernes.

Dati na raw sumuko sa Oplan Tokhang ang biktima.

Bago umano ang pamamaril, nagkwento raw ang biktima sa kaniyang ina na may mga pulis na nakasibilyan na nagpunta sa kanilang bahay at nagbanta na papatayin siya.

Ayon naman sa pulisya, kasama sa trabaho nila ang pagsubaybay sa mga sumusuko sa Oplan Tokhang pero itinanggi nila na pulis ang nasa likod ng pagpatay sa biktima.

Sa halip, posibleng onsehan daw sa droga ang motibo ng pamamaril.

Sa Quezon City, dead on the spot naman si Ipe Panustan nang barilin ng riding in tandem sa Riverside, Barangay Commonwealth dakong 10:00 p.m. nitong Biyernes.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, kilala raw sa kanilang lugar ang biktima na gumagamit ng iligal na gamot.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs, crime