ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis, patay sa pamamaril sa Malabon;  hinihinalang shabu, nakita sa bangkay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natagpuang patay at may mga tama ng bala ng baril sa katawan ang isang pulis sa Malabon City nitong Miyerkules ng gabi. Nang suriin ng mga imbestigador ang kaniyang bangkay, may nakita sa kaniyang sachet na may laman na hinihinalang shabu.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing 15 basyo ng hindi pa natutukoy na baril ang natagpuan malapit sa duguang bangkay ni P01 Jeffrey Ramos, nakatalagay sa police community precinct-2 ng Navotas City.

Hindi umano kaagad nakilala si Ramos dahil wala itong ID nang matagpuan ang kanyang bangkay dakong 9:00 p.m. sa tabi ng kalsada sa barangay Niugan sa Malabon.

Ayon kay Police Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Navotas Police, nakatanggap sila ng impormasyon na may tauhan siya na nakitang patay sa Malabon kaya nagpadala siya ng tao para kilalanin ang bangkay at natukoy na ito ay Ramos.

Wala pa umano silang detalye tungkol sa pagkamatay ni Ramos pero papasok na umano ito sa trabaho nang paslangin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Sa pagsusuri umano sa bangkay, bukod sa mga gamit na police cap, holster, at dalawang magasin ng baril, may nakita rin umano ang SOCO na isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa kabila nito, sinabi ng opisyal ni Ramos na si Police Inspector Venchito Cerillo, commander, Navotas-PCP 2, malinis naman ang kanyang record bilang pulis at may dedikasyon sa trabaho.

Idinagdag naman ni Novicio na sumailalim sa drug test ang kaniyang mga pulis at wala sa kanilang nagpositibo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso. -- FRJ, GMA News

Tags: crime