Lalaking bumaril at nanagasa sa traffic enforcer sa Q.C., nadakip sa Cagayan
Nadakip na ang motoristang bumaril at nanagasa pa sa isang barangay traffic enforcer sa Quezon City na bumaklas ng plaka ng dala niyang kotse dahil sa illegal parking. Ang suspek, natuklasang mekaniko at ginamit lang ang kotse na ipinagawa sa kaniya.
Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nadakip sa Aparri, Cagayan ang suspek na si Geronimo Iquin.
Si Iquin ang nakunan ng video sa CCTV na bumaril at sumagasa sa traffic enforcer na si Ernesto Paras noong nakaraang Biyernes sa Quezon City.
Binawian ng buhay si Paras dahil sa tinamong mga tama ng bala.
Nang makita ng mga kaanak ni Paras si Iquin, hindi nila napigilan ang galit at sinuntok ang suspek nang ipresinta sa media.
Bagaman humingi ng paumanhin sa ginawa niya sa biktima, sinabi ni Iquin na nagalit siya dahil tinangka umano siyang kikilan ni Paras at iginiit na hindi iligal ang kaniyang pagparada.
Ayon sa pulisya, nadakip si Iquin sa isang hotel sa Aparri nitong Lunes ng gabi.
Hindi umano nanlaban si Iquin nang arestuhin.
Napag-alaman din na ipinagawa lang ng isang kliyente ang sasakyan na ginamit ni Iquin.
Kapatid umano ng isang pulis ang naturang kliyente na nakipagtulungan sa mga imbestigador para ituro kung saan posibleng matunton ang suspek.
Batay sa ginawang paghahanap ng mga pulisya sa suspek, lumitaw na nakita ang inabandonang sasakyan sa Antipolo, at tumuloy na si Iquin sa Bulacan, Nueva Ecija at Tugegarao, hanggang sa masukol siya sa Appari. -- FRJ, GMA News