Lalaki, patay sa pa-boxing sa kalye matapos masuntok at tumama ang ulo sa semento
Nauwi sa trahedya ang masaya sanang pa-boxing sa kalye sa isang barangay sa San Miguel, Maynila nang pumanaw ang isang manlalaro matapos masuntok at tumama ang ulo sa semento.
Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, ipinakita ang video footage sa paglalaban ng dalawang lalaki sa palarong boxing na ginawa sa barangay 646 sa San Miguel.
Bagaman kapwa sila naka-boxing gloves, wala naman silang suot na proteksyon sa ulo.
Hindi nagtagal, tinamaan ng suntok sa panga ang nasawing si Rudio Legaspi, 28-anyos, at natumba.
Kaagad siyang pinagkaguluhan ng mga tao nang hindi kaagad siya nakatayo.
Ayon sa mga nakakita, nagkamalay pa si Legaspi at nagsabing gustong matulog at saka sumuka kaya dinala na siya sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
"Nasapul siya dito [itinuturo ang panga], pagtama diretso bumagsak, tumama yung ulo," ayon kay Julius Gumban, amo ng biktima.
Sinasabing nagkaroon umano ng pagdurugo sa utak ni Legaspi kaya ito namatay.
Ayon sa amo ng biktima, mga residente lang daw ang nag-organisa ng palaro.
Sinisikap ng GMA News na nakuha ang panig ng mga organizer, pati ang reaskyon ng mga kaanak ng biktima at barangay tungkol sa nangyari.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may namatay sa pa-boxing sa kalsada.
Noong Mayo 2014, isang binatilyo sa San Isidro, Davao del Norte ang namatay sa pa-boxing ng barangay. Nasundan pa ito noong Hulyo 2014 ng isa pang binatilyo sa taga-Nabunturan, Compostela Valley.
Ayon sa eksperto sa sport na si Ed Picson, isang uri ng contact sport ang boksing kaya dapat na may seminar ang mga organizer nito para sa kaukulang preparasyon at pag-iingat para sa mga sumasali.
Bukod sa mga kaukulang protective gear ng mga naglalaro, dapat na mayroon din umanong nakahandang ambulansya at medical equipment sakaling kakailanganin. -- FRJ, GMA News