ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
BABALA SA MGA NAIS MAGING MODELO

2 lalaki na sangkot umano sa 'sextortion' gamit ang social media, huli


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadakip sa Las Piñas City ang dalawang lalaki na nangingikil umano ng pera at nais makatalik ang mga biktimang babae kapalit nang hindi pagpapakalat sa internet ng kanilang hubad na larawan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi na nakapalag sina Jose Carlo Fajardo Estraza, 30-anyos, at John Paulo Suarez, 32-anyos, nang arestuhin ng Cavite Criminal Investigation and Detection Group sa ikinasang operasyon sa barangay Pilar sa Las Piñas.

Ayon sa Cavite-CIDG, modus ng dalawang suspek na magpanggap na babae sa social media at magpo-post ng mensahe na kailangan nila ng mga modelong babae.

Kapag may kumagat na biktima sa kanilang pain, aalukin nila ito kunwari ng P10,000.00 na bayad kada photo shoot. Pero hihingi sila ng kondisyon na dapat magpadala muna ng nude photos ang biktima para daw sa gagawing screening.

Sa sandaling makuha na nila ang mga hubad na larawan ng biktima, ito na gagamiting panakot ng mga suspek na ikakalat nila sa internet kapag hindi pumayag sa gusto nilang mangyari tulad ng pagbibigay ng pera at pakikipagsiping.

Hindi naman itinanggi ni Suarez ang bintang pero sinubukan lang umano niya.

Nang suriin ng mga awtoridad ang gadgets ng mga suspek, nakita ang iba pang larawan ng mga nakahubad na babae na posibleng naging biktima raw ng dalawa.

Hinikayat ng pulisya ang iba pang posibleng nabiktima ng mga suspek na magtungo sa Cavite-CIDG para maisampa ang kaukulang kaso. -- FRJ, GMA News

Tags: sextortion