Opensiba sa Basilan at Sulu tigil sa Ramadan
Ititigil muna ng tropa ng militar ang opensiba laban sa bandidong Abu Sayyaf sa Basilan at Sulu sa darating na panahon ng Ramadan, isang sagradong okasyon sa mga Muslim. Batay sa ulat ng dzBB radio, sinabi ni Brigadier Gen. Juancho Sabban, head ng Armed Forces' Task Force Thunder, na hinihintay pa ang utos mula sa nakatataas ukol sa tigil-putukan sa Mindanao. Nakarating kay Sabban at sa ilan pang opisyal ang mga kahilingan para sa pansamantalang pagtigil ng opensiba laban sa Abu Sayyaf sa oras na magsimula na ang Ramadan sa Setyembre 13. Subalit hindi na binanggit kung sino ang gumawa ng kahilingan. Kasalukuyang naka-alerto ang militar sa anumang posibilidad ng pag-atake sa Sabado o Linggo bagama't wala pang nangyayaring engkwentro sa loob ng 48 oras nitong linggo. Sinabi ni Sabban na kadalasang nagsasagawa ng pananambang ang Abu Sayyaf kung weekend tulad na lamang ng pagpaslang sa 15 Marines sa pagsisimula ng buwan ng Agosto. Samantala, ikinabahala ni Sabban ang hindi pagdating ng relief goods para sa mga residenteng apektado ng opensiba sa Mindanao. Nagpahayag si Jesus Dureza, presidential peace process adviser, na paparating na ang mga ito. Sinabihan si Sabban na ilang kinatawan ng Social Welfare Department ang titingin sa pagpasok ng relief goods sa mga residente. Nauna nang iniulat ang pag-atras ng isang batalyon ng Marines sa Basilan. Ayon sa Sun.Star Zamboanga nitong Biyernes, na sinabi ni Major Gen. Nelson Allaga, ang bagong Western Mindanao Command (Wesmincom) chief na itinalaga sa Southern Luzon ang nasabing batalyon. "They will go to the normal rotation, retraining and refurbishing in the battalion of excellence that we are conducting in Manila," ayon sa kanya. Papalitan diumano ng Marine Battalion Landing Team 9 (MBLT-9) ang iba pang Marines sa Palawan na sasailalim sa retraining. Pinayagan ni military chief Gen. Hermogenes Esperon J rang pag-pull out ng Marine battalion bagamat hindi niya sinabi kung mayroon pang papalit sa iniwan nilang pwesto sa Basilan. Isang grupo ng Philippine Marines ang nasa Sulu ngayon kung saan nagpapatuloy ang opensiba laban sa Abu Sayyaf. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV