ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Duterte, hangad na wakasan ang pangingibang-bansa ng mga Pinoy bilang OFW


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa harap ng mga Pinoy sa Japan, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang hangarin niyang magwakas na ang pangingibang bansa ng mga Filipino para magtrabaho.

Ayon sa Punong Ehekutibo, sisikapin niyang mapaganda ang ekonomiya ng Pilipinas para hindi na mangingibang-bansa ang mga Pinoy na naghahanap ng mas magandang buhay para sa pamilya.

"Ang pagtrabaho n'yo sa ibang bansa, hanggang diyan na lang. Next generation, [sa] Pilipinas na [magtrabaho]," saad ni Duterte sa mga Pinoy na dumalo sa naturang pagtitipon sa Tokyo, Japan.

Sabi pa ni Duterte, "We have to improve the economy na hindi ka na babalik dito, na kung bumalik ka rito, baka-bakasyon na lang."

Nagtungo sa Japan si Duterte nitong Martes para sa kaniyang three-day official visit.

Sa kaniyang pre-departure statement na ginawa sa Ninoy Aquino International Airport, sinabi ni Duterte na nais ng kaniyang administrasyon na mapahusay pa ang ugnayan ng Pilipinas at Japan.

"I look forward to meeting business leaders in Japan. I will tell them clearly that the Philippines is open for business," aniya.

Nauna nang nag-state visit si Duterte sa China at Brunei nitong nakaraang linggo.

PAGBUO NG OFW BANK

Samantala, inihayag din ni Duterte sa mga Pinoy sa Japan na pinag-iisipan niya na magtatag ng bangko para sa mga OFW.

"I'm thinking really seriously now na magkaroon kayo ng sariling bangko ninyo," anang pangulo.

"Maybe iyong postal bank ng gobyerno. Wala namang sumusulat ngayon," patungkol ni Duterte sa Philippine Postal Savings Bank (PostBank), na state-owned thrift bank.

Noong nakaraang Setyembre, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na plano ng pamahalaan na gamitin ang P20 bilyon pondo ng OFW sa Overseas Workers Welfare Administration para bumili ng bangko na tatawaging OFW Bank. -- FRJ, GMA News