Mga bahay na nasunog sa Las Piñas, dikit-dikit kaya mabilis na kumalat ang apoy
Sa tatlong magkakahiwalay na lugar pansamantalang nanunuluyan ang may 1,600 pamilya na naging biktima ng malaking sunog sa Las Piñas City. Sa drone shot ng isang Youscooper, makikita kung gaano kalawak ang pinsala nito.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang drone shot ni Youscooper Quintin John Feniza sa lawak ng sunog sa Manggahan compound sa barangay Talon Dos, BF Resort, na naganap dakong 3:00 a.m.
Dikit-dikit umano at gawa rin sa kahoy ang mga bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa may 800 kabahayan sa mahigit isang ektarya ang lawak na lupain.
Dakong 4:00 a.m. nang itinaas sa Task Force Alpha ang alarma sa sunog na ang ibig sabihin ay kailangan na ang tulong ng mga bumbero mula sa ibang distrito.
Pag-amin ng ilang bumbero, naging mahirap ang pagpatay sa apoy dahil may kalayuan ang mga fire hydrant.
Tumagal pa ng may tatlong oras bago tuluyang naapula ang apoy.
Sa kabila ng malawak na sunog, walang iniulat na nasawi sa sunog at tatlong residente lang napaulat na bahagyang nasugatan.
Iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng apoy at tinatayang aabot sa P50 milyong ang halaga ng pinsala sa mga ari-ariang nasunog.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Saksi," sinabing sa tatlong magkakahiwalay na lugar pansamantalang nanunuluyan ang mga biktima ng sunog, kabilang na sa isang covered court para may masilungan sila.
May mga nagpaabot na rin ng tulong sa mga biktima tulad ng mga banig, kumot at pagkain mula sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas, pati na ang GMA Kapuso Foundation.
Bukod sa mga pangunahing pangangailangan, dagdag na hiling ng mga biktima ang magkaroon ng mga pangsimulang gamit para maitayo ang kanilang mga bahay. -- FRJ, GMA News