ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
WATCH

Babaeng minura at pinagbantaang babarilin ng lalaki sa bus, balak magdemanda


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Balak umano ng babaeng pinagmumura at pinagbantaang babarilin ng isang lalaki sa loob ng bus na magsampa ng reklamo. Ang ugat daw ng iringan ng dalawa, ang paghatak sa kurtina ng bus.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang viral video habang paulit-ulit na minumura ng lalaki ang babae na itinago sa pangalang "Maricel."

Ayon kay Maricel, noong una ay nagagawa pa niyang sumagot sa lalaki pero natakot daw siya nang magbanta ang lalaki na babarilin siya.

Saad ng nag-post ng video, ang paghatak sa kurtina ng bus ang ugat ng iringan ng dalawa.

Sa tantiya ni Maricel, halos labinglimang minuto raw siyang nilait at minura ng lalaki habang bumibiyahe ang bus.

Sa tindi umano ng kaniyang takot dahil pagbantaan ng lalaki na babarilin siya, napababa na siya sa Taft Avenue sa halip na sa Quiapo.

Naniniwala rin siya na hindi na nakialam ang ilang pasahero, maging ang kondusktor ng bus dahil sa pagbabanta ng lalaki.

Sa pamamagitan ng social media, natukoy daw ni Maricel ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Balak daw niyang sampahan ng reklamo ang lalaki dahil sa trauma na kaniyang inabot at maturuan ito ng leksyon.

Sinubukan ng GMA News na hingan ng paliwanag ang sinasabing lalaki pero hindi pa ito sumasagot. -- FRJ, GMA News