Lalaking inakusahang nanghalay sa 5 magkakapatid, naglaslas ng leeg
Isinugod sa ospital matapos maglaslas umano ng leeg sa loob ng kulungan sa Pagadian City ang lalaking inakusahan kamakailan na nanggahasa sa limang menor de edad na anak na babae ng kaniyang ka-live in partner.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing nilaslas ng 50-anyos na bilanggo ang kaniyang leeg gamit ang aluminum.
Kuwento ng ibang bilanggo, nagulat na lang sila nang biglang magsuka ng dugo at natumba ang lalaki matapos maglaslas.
Matatandaan na dinakip nitong Martes ang lalaki dahil sa alegasyon na ginahasa niya ang limang anak ng kaniyang ka-live in na ang pinakabata ay isang-taong-gulang lang.
BASAHIN: 5 magkakapatid, inabuso raw ng lalaking kinakasama ng kanilang ina
Iginiit naman ng suspek na isa lang sa magkakapatid ang kanyang ginalaw.
Nagpapagaling pa rin ang lalaki sa ospital. -- FRJ, GMA News