Babaeng driver na umararo sa ilang sasakyan sa Makati, nakipag-areglo
Sumuko sa pulis ang babaeng driver ang naging sakit ng ulo ng ilang security personnel at mga motorista sa Makati City nitong Biyernes ng gabi matapos niyang araruhin ang ilang sasakyan.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, ipinakita ang isang video kung saan nakunan ang isang dilaw na kotse na inatrasan ang motorsiklo ng security personnel sa panulukan ng Kalayaan Avenue at Don Pedro sa Makati.
Patuloy ang kotse sa pag-atras-abante kahit pa bumangga na sa metal railings at masira ang mga bumper ng sasakyan.
Sa isa pang video ni Youscooper Kitt Lapena na ipinost sa social media, makikita na sinipa na mga rumespondeng security personnel ang sasakyan, hinampas ang bintana at iniharang ang isang motorsiklo.
Nang sipatin ng flash light ang nagmamaneho ng sasakyan, makikita ang nagmamaneho ng kotse na tila babae at nagtuloy-tuloy pa rin sa pag-atras-abante hanggang makalusot sa mga harang at makaladkad ang isang motorsiklo.
Saad ni Lapena sa kaniyang post, binubuntutan ng security personnel na nakamotorsiklo ang dilaw na sasakyan dahil sa 'di natukoy na traffic violation.
Dahil mabigat ang daloy ng trapiko, nahabol ang sasakyan at sandaling bumaba raw ang driver pero muling sumakay at inatras-abante ang sasakyan hanggang sa kumanan sa Kalayaan avenue kaya hinahabol muli siya ng mga awtoridad.
Pinilit pa raw ng driver na lumusot sa mabigat na daloy ng trapiko nang ma-corner pero inararo niya ang mga sasakyan at motorsiklo sa paligid.
Nakaalis ang driver at hindi malinaw kung nakuha ang kaniyang lisensiya at tunay na pagkakakilanlan.
Walang Kaso
Sa hiwalay na ulat ng GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing base sa police blotter ng Makati Police-Station 6, dakong 7:00 pm nitong Biyernes nang dalhin sa kanilang himpilan ang driver ng kotse na nakilalang si Jamie Camille Brojan, 28-anyos.
Nahabol umano ng mga pulis si Brojan matapos tumakas sa pinangyarihan ng insidente.
Napag-alamang bago ang insidente, hinabol si Brojan ng sekyu ng Rockwell Celnter dahil sa illegal parking hanggang maabutan siya sa lugar kung saan naganap ang pag-araro sa mga motorsiklo.
Apat na guwardiya ang sugatan sa insidente at inireklamo siya ng traffic violation at multiple physical injuries.
Pero nagkaayos din umano ang magkabilang panig matapos mangako si Brojas na sasagutin ang gastos sa sa mga nasira at pagpapagamot ng mga nasugatan.
Tumanggi umano na magbigay muna ng pahayag ang pamunuan ng Rockwell, habang pinag-aaralan din ng pulisya kung may paglabag na nagawa ang mga security personnel sa pagtugon sa sitwasyon nang sugurin si Brojan.
Sinusubukan din ng GMA News na makunan ng pahayag si Brojan. -- FRJ, GMA News