Mapanganib na mga laruang balisong, kinumpiska sa Maynila
Pinakukumpiska ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga ibinebentang laruang balisong na kahit gawa sa plastik ay peligroso pa rin lalo na sa mga bata.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing kabilang ang itinitindang mga balisong na laruan ang kinumpiska ng mga tauhan ng Manila City Hall.
Aminado ang nagtitinda ng laruang balisong na ipinagbabawal ito pero mabili umano sa mga bata dahil na rin sa magandang kulay nito at disenyo.
Nakita kung gaano kapeligroso ang naturang laruan nang may mag-post ng video ng isang bata na nagsugatan ng malalim sa pisngi dahil umano sa paglalaro umano ng plastic balisong.
Sa isang paaralang sa Tondo, Maynila, hindi umano bababa sa 20 pirasong plastik na balisong ang nakumpiska mula sa mga estudyante.
Inaalam na umano ng lokal na pamahalaan kung saan nagmumula ang mga plastik na balisong. Pinag-aaralan na rin kung kakasuhan ang mga mahuhuli pang nagbebenta nito. -- FRJ, GMA News