Watch: Mga batang mag-aaral, buwis-buhay makapasok lang sa paaralan
Nangako ang iba't ibang ahensiya ng pamahalaan na kikilos matapos kumalat sa social media ang video na nagpapakita sa dalawang batang mag-aaral na tumatawid sa ilog gamit ang lubid para lang makarating sa paaralan sa Iligan City.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News" 24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video na kumakalat sa Facebook kung saan nakunan ang peligrosong pagtawid ng dalawang batang mag-aaral sa ilog sa pamamagitan ng lubid upang makarating sa kabilang pampang patungo sa kanilang paaralan.
Pinuntahan ng GMA News ang Purok Gutom, kung saan nakunan ang video, na isang oras ang layo mula sa lungsod ng Iligan.
Ang ginamit na lubid ng dalawang estudyante sa pagtawid na nakita sa video, kapansin-pansin na may kanipisan na ang gitnang bahagi kaya kailangan umanong maging maingat at dahan-dahan sa paggamit nito.
Ayon sa isang estudyante, higit na peligroso raw ang pagtawid sa lubid kapag umuulan at malakas ang agos sa ilog at mataas ang tubig.
Aminado ang mga residente mayroon ibang puwedeng daanan na foot bridge ang mga estudyante. Pero malayo raw ito at aabutin ng dalawang oras ang paglalakad bago makarating sa eskwelahan.
Pinuntahan din ng GMA News ang opisina ng City Engineers Office ng Iligan City pero tumanggi silang humarap sa camera.
Susubukan daw nilang tanungin ang kapitan ng barangay sa lugar para mapuntahan ang lugar.
Napanood na rin ni Department of Education Secretary Leonor Briones ang viral video at maging siya ay naantig sa nakita.
Inatasan na raw niya ang regional director ng DepEd Region 10, para gawan ng kaukulang hakbang na mailayo ang mga bata sa peligro makapasok lang.
Kasabay nito, inatasan na rin umano ng Department of Public Works and Highways ang kanilang mga tauhan sa Iligan City para tingnan kung ano ang maaaring gawin para hindi na kailangang malagay sa peligro ang buhay ng mga mag-aaral sa tuwing papasok sa paaralan. -- FRJ, GMA News