Sanggol, hinostage ng isang lalaki sa loob ng police station
Nabalot ng tensyon ang isang police station sa General Santos City nang biglang sumulpot ang isang lalaki na may bitbit na sanggol at tinutukan niya ng patalim.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, ipinakita ang video sa loob ng GenSan police station-4 habang hawak ng lalaki na armado ng patalim ang anim na buwang gulang na sanggol na walang tigil sa pag-iyak.
Ayon sa pulisya, hawak na ng suspek ang sanggol nang pumasok ito sa police station at biglang tinutukan ng patalim ang bata para makipagnegosasyon sa mga awtoridad.
Hiniling umano ng suspek na mainterview siya ng media para ipaalam na mayroong mga drug lord sa Iloilo na nais siyang ipapatay.
Nakaraang mangako ang mga pulis na poprotektahan siya, sumuko ang suspek at pinakawalan ang sanggol, na anak ng kaniyang pinsan.
Napag-alaman na galing sa Iloilo ang suspek at halos isang linggo palang sa GenSan at naninirahan sa kanyang pinsan, na ama ng sanggol na kaniyang hinostage.
Ayon naman sa suspek, sumugod siya sa police station para sumuko dahil may humahabol daw sa kanya.
Naniniwala ang pulisya na wala sa katinuan ang suspek dahil posibleng lango raw ito sa iligal na droga. -- FRJ, GMA News