WATCH: Ilang sagabal sa biyahe, nakita sa test run ng PNR train to Bicol
Mula sa Tutuban station sa Maynila, bumiyahe patungong Naga City ang tren ng Philippine National Railway (PNR) para subukan ang mga riles at tulay na dadaanan kaugnay ng planong pagbabalik ng "Bicol Express" sa Disyembre. Sa biyahe, walang zombie na lumabas gaya sa Korean hit movie na "Train To Busan," pero may mga pasaway at ilang sagabal ang nakita.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabing ilang aberya ang naranasan nila habang sakay ng tren na tumagal ang biyahe ng 17 oras.
Nagsimula ang test run sa Tutuban upang alamin kung maaari nang ibalik sa susunod na buwan ang "Bicol Express" na natigil noong 2012 makaraang sirain ng flashflood ang isang tulay sa daraanang Sariyaya, Quezon.
Bagaman luma na ang tren na ginamit sa test run na donasyon umano ng Japan na 40 taon na ang nakararaan, komportable naman daw ang mga upuan nito at malamig sa loob dahil sa aircon.
Gayunman, pagsapit ng biyahe sa Sucat, Parañaque, hindi umaandar ang isa sa limang makina. Pero sabi ng mga kasamang engineers, wala naman daw problema rito kaya tuloy ang arangkada ang tren to Bicol na 40 kph ang top speed.
Sa pagpapatuloy ng biyahe, nasaksihan ng GMA News ang ilang tao na walang takot na tumatawid sa riles kahit nakikita na nila ang tren.
Problema rin ang mga "home at store along da riles" na halos makipaghalikan na sa mga bagon ng tren.
Ilang sanga rin ng ng mga punong kahoy ang humambalos at nakasira sa steel cage na nasa harapan ng tren.
Agaw-pansin din ang mga tambak ng basura na iniwan sa daraanan ng tren.
Sa Candelaria, Quezon, nagmistulang palengke na ang dating istasyon dahil sa limang taon nang hindi nadadaanan ng tren.
Lalong bumabagal naman ang takbo ng tren tuwing mapapadaan sa mga tulay.
Katunayan, kinailangan nang lumipat ng ibang tren ang mga pasahero pagsapit sa tulay na ginagawa at pinapatibay sa Ragay, Camarines Sur para magpatuloy ang biyahe patungong Naga. -- FRJ, GMA News