ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ex-driver at bodyguard ni De Lima na si Ronnie Dayan, nadakip sa La Union


Nadakip na sa La Union ng mga awtoridad si Ronnie Dayan, ang dating drayber at bodyguard ni Senador Leila de Lima.

Nitong Martes, sinabi ni Senior Superintendent Leo Francisco ng La Union Police Provincial Office, ibibiyahe si Dayan sa Maynila at ipiprisenta sa media ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa sa Crame.

Sa paunang impormasyon, sinabing nadakip si Dayan sa Sitio Turod, Brgy San Felipe, San Juan, ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group-La Union, Provincial Police Office La Union, Provincial Police Office Pangasinan, at Bacnotan police station.

Kamakailan lang, itinaas ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa P1 milyon ang pabuya para madakip si Dayan.

Ipinapaaresto si Dayan dahil sa hindi niya pagsipot sa pagdinig ng Kamara de Representantes kaugnay sa imbestigasyon sa kalakaran umano ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.

Inaakusahan ng ilang  bilanggo si Dayan na umano'y naging bag man ni De Lima.

Tumanggi muna si De Lima na magsalita pero maglalabas umano siya ng pahayag tungkol sa pagkakaaresto ni Dayan.

Sa nakaraang episode ng programang "Bawal Ang Pasaway kay Mareng Winnie," inamin ni de Lima na nagkaroon siya ng romantikong relasyon noon kay Dayan. -- FRJ, GMA News

Tags: ronniedayan