ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pag-atake ng  driver ng SUV sa nakasagiang driver ng taxi, nahuli-cam


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakunan sa closed-circuit-television camera ang sagian ng dalawang sasakyan sa Quezon City na nauwi sa pananakit ng driver ng SUV sa taxi driver na umano'y senior citizen na.

Sa ulat ng GMA News TV's "QRT" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang intersection sa barangay Laging Handa na kinasasangkutan ng isang Toyota Fortuner  at taxi.

Sa video makikita na bahagyang nagkaroon ng pagbagal sa daloy ng trapiko sa intersection. Nang umusad ang taxi na hindi kabilisan takbo, biglang sumulpot ang SUV na mabilis ang arangkada at nahagip sa tagiliran ng taxi.

Tumigil naman ang taxi at makikita sa video na sinipa ng galit na SUV driver ang pinto nito. Hindi pa ito nasiyahan, binuksan ng galit ng driver ang pinto ng taxi at sinipa rin ang driver.

Nang umalis na driver ng SUV, nagpa-blotter sa barangay ang "taxi driver" na sinasabing "senior citizen." Pero dahil umano sa nerbiyos, hindi na nakapag-iwan ng pangalan at iba pang detalye ang taxi driver.

Nais naman ng isang NGO na binubuo ng mga abogado na magpakita muli ang taxi driver at tutulungan nila para mapanagot ang driver ng SUV.

Samantala, natunton naman ang may-ari ng SUV pero sinabi nito na hindi siya ang nagmamaneho ng sasakyan nang masangkot sa insidente.

Sa telepono, nangako ang may-ari ng SUV sa GMA News na makikipagtulungan siya sa mga awtoridad kaugnay ng nangyari. -- FRJ, GMA News

Tags: roadrage