2 lalaki, patay sa pamamaril sa Makati; 1 naman sa Quezon City
Tatlong lalaki ang patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Makati at Quezon City. Ang isa sa mga biktima, pupunta lang daw sa tindahan para bumili ng yelo.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing sa kalsada na nakita ang duguang bangkay ni Francis Dela Peña, sa barangay Pembo sa Makati dakong 10:00 nitong Miyerkules.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Makati police, lumilitaw na nakasakay sa motorsiklo ang mga bumaril sa biktima na bibili lang daw sana ng yelo sa tindahan.
Pinaalis pa umano ng mga suspek ang kasama ng biktima bago nila ito pinagbabaril.
Pitong basyo ng bala mula sa kalibre 45 na baril ang natagpuan sa crime scene.
Samantala, binaril naman at napatay dakong 11:00 pm nitong Miyerkules ng hindi pa kilalang salarin si Romualdo Padre sa barangay Alabang sa Muntinlupa City pa rin.
Ayon sa mga tauhan ng barangay, bago matagpuan ang bangkay ni Padre ay inireklamo pa siya ng pananakit sa binatilyong anak ng kinakasama nito.
Hindi nagtagal, nakatanggap na sila ng impormasyon na may lalaking binaril sa lugar at nakita ang bangkay ng biktima.
Sa Quezon City, binaril dakong 11:00 p.m. nitong Miyerkules sa Commonwealth Avenue sa Old Balara ang barker ng mga jeepney na si Mat Advincula.
Iginiit ng kapatid na hindi tulak ng droga ang biktima, at matagal na rin daw tumigil sa paggamit ng bawal na gamot.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News