ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Maute Group, naitaboy ng militar mula sa Butig town sa Lanao Sur


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naitaboy na ng mga tropa ng pamahalaan ang mga miyembro ng teroristang grupong Maute mula sa mga lugar na kinubkob nito sa bayan ng Butig sa lalawigan ng Lanao del Sur.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa "News To Go" nitong Huwebes ng umaga, sinabing naitaboy man ang mga rebeldeng terorista, hindi pa rin umano pinapayagan ang mga nagsilikas na mga residente na bumalik sa kani-kanilang mga tahanan dahil may mga booby-trap at pampasabog pang naiwan ang grupo.

Ipinahayag ni Col. Roseller Murillo ng 103rd Army Brigade na matapos ang pitong araw na bakbakan, nabawi rin ng mga sundalo ang mga pinagkutaan ng mga terorista, kabilang ang luma at abandonadong municipal building ng Butig, ayon kay Veneracion.

Sinabi rin umano ni Murillo na hindi pa maaaring bumalik ang mga nagsilikas na mga mamamayan dahil mapanganib pa ang lugar dahil sa mga itinanim na mga pampasabog sa mga lugar na nilukob ng Maute.

Sa katunayan umano, isang sundalo ang nasugatan noong Miyerkules sa pagsabog ng isang improvised explosive device. 

Pinag-iisipan umano ng militar na magtalaga ng mga sundalo sa Butig upang masigurong hindi na makababalik ang Maute Group doon. 

Mahigit 50 miyembro ng grupo ang napatay sa bakbakang tumagal din ng isang linggo, at mahigit 20 mga sundalo naman ang nasugatan sa operasyon ng militar laban sa grupo.

Ang Maute ay isang armadong grupong naimpluwensyahan ng Islamic State (IS), isang international  terrorist organization. 

Binubuo ang Maute group ng dating mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front at ilang mga dayuhang miyembro ng IS, at pinamumunuan ito ni Abdullah Maute, ang umanoy nagtatag ng Dawlah Islamiya na sangay ng Islamic State na nakabase sa Lanao del Sur. — LBG, GMA News