Pagbaril sa babaeng may-ari ng karinderya, nahuli-cam
Patay ang isang babaeng may-ari ng karinderya matapos siyang pagbabarilin ng salaring nakamotorsiklo sa Ilocos Sur. Sa kuha ng closed-circuit-television camera, makikitang binalikan pa ng gunman ang nakabagsak na biktima at muling pinaputukan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha ng CCTV kung saan nakunan ang 40-anyos na biktimang si Alma dela Cruz na abala sa paghahanda sa kaniyang tindahan na nasa tabi ng kalsada.
Hindi nagtagal, dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang tumigil sa labas ng tindahan. Bumaba ang isang sakay nito na nakasuot ng helmet at sinilip sa loob ang biktima, at sunod-sunod na pinaputukan.
Nang bumagsak ang biktima, umalis na ang gunman papunta sa motorsiklo pero binalikan nito ang biktima at muling binaril.
Isinugod si Dela Cruz sa ospital at doon na ito binawian ng buhay.
Ayon sa pulisya, anggulong droga at hidwaan sa kaanak ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.
Dati raw kasing nasa drug watchlist ng mga pulis ang biktima at nagkaroon din umano ng alitan sa kaanak.
Humihingi naman ng tulong ang mga kaanak ng biktima para mabigyan ito ng hustisya. -- FRJ, GMA News