4, patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Makati at Caloocan
Nahuli-cam ang pamamaril at pagpatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa apat na lalaki sa lungsod ng Makati at Caloocan. Ang dalawa sa mga biktima, 18-anyos lang.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ipinakita ang kuha ng closed-circuit-television camera sa barangay San Isidro, Makati, na nakunang nakaupo ang grupo ng mga kabataang nag-iinuman sa tabi ng kalsada dakong 3:00 a.m.
Hindi nagtagal, dumating ang apat na salarin na nakasakay sa dalawang motorsiklo at tumigil sa grupo ng mga nag-iinuman.
Malapitang binaril ng mga salarin ang dalawang biktima at kaagad ding tumakas.
Isinugod naman sa San Juan de Dios hospital ang dalawang biktima na parehong 18-anyos, at kapwa binawian ng buhay.
Ayon sa pulisya, nasa drugs watchlist umano ang dalawang biktima.
Hindi umano bababa sa 20 basyo ng bala ang nakita sa crime scene at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sa barangay 120, Caloocan City naman, daking 2:00 a.m. nang makunan sa CCTV ang pagdaan ng dalawang motorsiklo sa Rizal Avenue Extension.
Kapansin-pansin na naalerto ang mga nakaistambay sa kanto nang makita ang mga motorsiklo at ilan sa kanila ang mabilis na umalis.
Hindi nagtagal, tatlong lalaki na mula sa dumaang motorsiklo ang bumaba at naglakad patungo sa 2nd Avenue.
Hindi makikita ang mukha ng mga suspek na nakasuot ng jacket na may hood at nakahelmet naman ang isa pa.
Sa hindi malaman dahilan, binaril ng mga salarin ang nakaistambay na si alyas Jun Bungo, na naglalaro umano "cara-cruz' nang sandaling iyon.
Iniwan ng mga salarin ang duguang bangkay ng biktima.
Ayon sa isang opisyal ng barangay, kilala raw na gumagamit ng iligal na droga ang biktima at hindi sumuko sa Oplang Tokhang.
Sa barangay 102 sa Caloocan pa rin, binaril at napatay ng riding in tandem si Rodrigo Francisco sa labas ng kaniyang bahay dakong 11:00 p.m. nitong Lunes.
Ayon sa kinakasama ng biktima, gumagamit ito ng iligal ng droga pero hindi naman daw nagtutulak. -- FRJ, GMA News