Mga armadong lalaki, pumasok sa ilang bahay at tumangay ng mga gamit sa Caloocan
Sa harap ng mainit na kampanya ng pulisya kontra-droga, isang grupo ng mga armadong lalaki na mayroon umanong tinutugis na lalaki ang sumalakay sa ilang bahay at nanguha raw ng mga gamit sa Caloocan City.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha ng closed-circuit-television camera ng barangay 187, North Caloocan, na makikita ang pagdating ng puting AUV dakong 2:00 p.m. noong Lunes.
Ilang lalaki na nakasibilyan ang bumaba mula sa naturang sasakyan at pumasok sa isang bahay. Hindi nagtagal, lumabas ang isang lalaki na may bitbit na bagay na inilagay sa sasakyan.
Ayon sa babaeng anak ng may-ari ng bahay, inabutan niya ang mga armadong lalaki sa loob ng kanilang bahay at pinagsabihan niya na tresspassing ang kanilang ginagawa.
Katwiran umano ng lalaki, hinahanap nila ang isang lalaking nagngangalang "Lando," na pumasok daw sa bahay.
Hinalughog umano ng mga lalaki ang mga kuwarto sa bahay.
Sa kuha pa rin ng CCTV, makikitang inilipat na ng mga lalaki ang sasakyan at inilapit sa bahay. Mapapansin na may ikinarga sila sa sasakyan.
Nakunan din ang pagkarga naman sa tricycle ng tila isang malaking kahon, na ayon sa mga residente ay isa raw video karera.
Matapos ng may isang oras, umalis na ang grupo.
Napaiyak na lang ang 76-anyos na may-ari ng bahay nang matuklasan na nawawala na ang kanilang pera, alahas at iba pang gamit.
Pinasok din umano ng grupo ang isa pang bahay at pinagnakawan din ng mga pera, gamit, at alahas.
Pati ang pera sa alkansya, hindi nakaligtas sa grupo.
Natunton ng GMA News ang sinasabing target ng grupo na si "Lando" pero wala raw siyang alam na dahilan para tugisin ng mga pulis.
Pinaiimbestigahan na ng hepe ng Caloocan Police ang naturang insidente para alamin kung sino ang mga armadong lalaki. -- FRJ, GMA News