4, patay sa engkwentro sa Caloocan City; 2 pulis, sugatan
Apat katao ang nasawi at dalawang pulis ang nasugatan sa engkwentong naganap sa isang bahay sa Caloocan City nitong Huwebes ng gabi. Ang isa sa mga nasawi, kilala umanong gumagamit ng iligal na droga.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing naganap ang barilin sa bahay ng nasawing suspek na si Noel Alventura, sa Deparo North Caloocan.
Kasamang nasawi ni Alventura ang kaniyang kinakasama at dalawa pa nilang bisita.
Ayon sa pulisya, nagtungo ang mga pulis sa bahay ni Alventura matapos na may magreklamo na may nagpapaputok ng baril sa lugar.
Nang puntahan umano ng mga rumespondeng pulis ang bahay, kaagad na nagpaputok umano ang mga suspek at tinamaan ang dalawang awtoridad pero hindi kritikal ang kanilang mga sugat.
Kasunod nito ay rumesponde na ang iba pang pulis na mula sa Special Reaction Unit at pinaligiran ang bahay.
Dumating din ang ina ni Alventura upang pakiusapan ang anak na sumuko pero nabigo ito.
Nang makapasok ang mga pulis sa bahay, muling umalingawngaw ang mga putok baril at napatay na ang apat.
Dati umanong nasa negosyo ng security agency si Alventura, na sangkot umano sa paggamit ng iligal na droga.
Bukod sa anim sachet ng pinaghihinlaang shabu at mga drug paraphernalia, nakuha rin umano sa bahay ni Alventura ang limang revolver, isang shotgun at M14 rifle. -- FRJ, GMA News