ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki, patay matapos barilin sa loob ng bahay habang natutulog


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang dating kagawad ng barangay nang pagbabarilin siya habang natutulog sa kaniyang bahay sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Renato Zaragoza, kasalukuyang karpintero at nakatira sa Fermiza St. sa nabanggit na lugar.

Ayon sa anak ng biktima, dakong 2:00 a.m. nang bulabugin sila ng mga putok ng baril.

"Una akala ko parang may kumakalabog. Pero sabi ko parang iba na, parang putok na. Pagtayo ko po, ang nakita ko na po, yung lalaking nakapula. Tapos nakita ko po yung tatay ko, puro dugo na po," kwento niya.

Sa kuha ng closed-circuit-television camera ng barangay, nakunan ang pagtigil ng isang kotse malapit sa bahay ng biktima at bumaba mula sa sasakyan ang tatlong lalaking nakatakip ang mukha.

Pagbalik ng mga lalaki sa sasakyan, makikitang may hawak na silang baril. Napansin din na tila may kasunod na backup na sasakyan ang mga suspek nang tumakas.

Hinala ng anak ng biktima, posibleng may kaugnay ang pagkakautang ng kaniyang ama sa nangyaring krimen dahil minsan na raw itong pinagbantaan ng kolektor.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen. -- FRJ, GMA News

Tags: crime