ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking bumisita sa nililigawan sa QC, binaril; negosyante sa Cebu, patay naman sa ambush


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang lalaki na galing umano sa panliligaw ang binaril at napatay ng hindi nakikilalang salarin sa Quezon City. Sa Cebu City naman, isang negosyante ang nasawi matapos tambangan.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nakita ang duguang bangkay ng lalaking kinilala sa alyas King, sa tabi ng kaniyang kotse sa barangay Santa Monica, Quezon City.

Kagagaling lang umano ng biktima sa kaniyang nililigawan nang barilin ng nakatakas na salarin habang papunta sa sasakyan.

Kuwento ng isang residente, nakarinig siya ng apat na putok at nang sumilip sa labas ng bahay ay nakita na ang nakahandusay na biktima.

Nang suriin ng mga awtoridad ang mga labi ng biktima, may nakuha umano ritong tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen.

Samantala, patay naman sa pananambang sa Cebu City ang negosyanteng Felipe Angan-angan, 67-anyos.

Ayon sa pulisya, iniaatras ng biktima ang kaniyang sasakyan sa Sitio Middle Nivel Hills sa barangay Apas, nang sumulpot ang mga salarin at pinagbabaril ang negosyante.

Tumakas ang mga hindi nakikilalang salarin sakay ng motorsiklo. -- FRJ, GMA News

Tags: crime