20-anyos na may sakit sa pag-iisip, ginahasa at nabuntis umano ng 65-anyos na lolo
Arestado ang isang 65-anyos na lolo sa Zamboanga Sibugay matapos siyang ireklamo ng panggahasa at pagbuntis sa isang 20-anyos na babae na may sakit sa pag-iisip. Sa Bataan, isang batang babae naman ang ginahasa umano ng isang tricycle driver.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang inarestong lolo na si Avelino Caputol, residente ng Diplahan sa Zamboanga Sibugay.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, napahinto umano ang biktima sa sakahan ng mais ng suspek dahil nasira ang tsinelas nito.
Dito na raw nagkaroon ng pagkakataon ang suspek para halayin ang biktima.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Caputol.
Sa Balanga, Bataan, inaresto ang tricycle driver na si Raphael Urquiza, matapos akusahan ng panghahalay sa anim na taong gulang na babae.
Ayon sa ina ng biktima, umiiyak at duguan ang kanyang anak nang umuwi.
Nang tanungin ang anak kung ano ang nangyari, nagsumbong ito sa ginawang pang-aabuso ng suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing pauwi na ang biktima mula sa paliligo sa pampublikong paliguan nang hatakin at dalhin umano ng suspek sa bahay para halayin. -- FRJ, GMA News