Mga lalaking nag-iinuman sa labas ng bahay, pinagbabaril; 2, patay, 2 sugatan
Dalawa ang patay, habang dalawa pa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin ang grupo ng mga lalaking nag-iinuman sa labas ng bahay sa barangay Riverside, Quezon City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang dalawang nasawi na sina Roel Manuel, 40-anyos, at Melchor Selos.
Nagpapagaling naman sa ospital ang dalawang nasugatan.
Matapos ang pamamaril na nangyari dakong hatinggabi nitong Huwebes, nag-iwan ng karatula ang mga salarin na nagsasabing mga adik at pusher umano ang mga biktima kaya hindi dapat tularan.
Hindi pa nakukumpirma ng mga rumespondeng pulis kung nasa drug watchlist ang mga biktima.
Ayon sa kapatid ni Manuel, hindi niya tiyak kung gumagamit o nagtutulak ng droga ang biktima.
Hindi bababa sa 14 na basyo ng bala mula sa hindi tinukoy na kalibre ng baril ang nakita ng mga awtoridad sa crime scene.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. -- FRJ, GMA News