ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

 1 sa mga suspek sa pamamaril sa Caloocan na ikinamatay ng 7 katao, nadakip


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadakip ng mga awtoridad ang isa sa apat na suspek sa insidente ng pamamaril sa Caloocan City nitong Miyerkules na ikinamatay ng pito katao, kabilang ang isang buntis.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing mismong ang nakaligtas na biktima at tunay na target ng mga salarin ang nagturo sa suspek.

Sa panayam kay Philippine National Police chief Roland dela Rosa, sinabi nito na onsehan sa iligal na droga ang lumilitaw na motibo sa pagpatay sa mga biktima.

Mula umano sa San Jose Del Monte, Bulacan ang mga suspek na hinihinalang nagbabagsak ng iligal na droga sa Caloocan kung saan pinaslang ang mga biktima.

"Ito ngayon nagkaka-onsehan itong dalawang grupo. Hindi siguro nagre-remit itong taga-Caloocan kaya sinisingil ng taga-San Jose del Monte," anang hepe ng PNP.

Hindi muna pinangalanan ng mga pulis ang nadakip na suspek at ang nakaligtas na biktima dahil patuloy pa ang ginagawang pagtugis sa iba pang salarin.

Gayunman, itinanggi ng misis ng suspek na sangkot sa naturang krimen ang kaniyang asawa, at sa halip ay ibinalik nito sa nakaligtas na biktima ang sisi sa nangyari.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na apat na salarin na nakasakay sa dalawang motorsiklo na pawang nakatakip ang mga mukha ang bumaril sa nakaligtas na biktima.

Nagawa umano ng biktima na makatakas at tumakbo sa lugar na kinaroroonan ng anim na lalaki-- tatlo ang menor de edad-- at pinagbabaril ding mga salarin.

Pinagbabaril din ng mga suspek ang dalawang babae--kabilang ang isang buntis--na nasa katapat na kubo.

Nakaligtas umano ang biktima na target ng mga salarin nang magkunwari na itong patay hanggang sa madala sa ospital.

Sinasabing drug den umano ang lugar na kinaroroon ng mga biktima, ayon sa pulisya.

Gayunman, itinanggi ng nagdadalamhating mga ina ng dalawang napatay na menor de edad na sangkot sa iligal na droga ang kanilang mga anak.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Dela Rosa ang mga pulis na lutasin ang krimen sa loob ng 24 oras. -- FRJ, GMA News

Tags: crime