Suspek sa pagpatay sa 7 katao sa Caloocan, emosyonal na itinanggi ang krimen
Nagharap sa piskalya nitong Biyernes ang suspek at mga kaanak ng mga biktima sa pamamaril sa Caloocan City na ikinasawi pito katao, kabilang ang isang buntis.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras," sinabing naging emosyonal ang suspek na si Wahab Arimpo nang basahan ng reklamo sa Caloocan Judicial Complex.
Nahaharap siya sa mga reklamong multiple murder, frustrated murder at illegal possession of firearms.
"Hindi ko po magagawang pumatay ng mga bata, hindi po ako..." giit ng suspek. "Sana po malaman kung sino ang pumatay sa mga tao na 'yon na binibintang sa akin."
Maliban sa dalawang babae na kinabibilangan ng buntis, napatay din sa pamamaril ang tatlong menor de edad.
Humarap din sa piskalya ang nakaligtas na biktima at tumatayong testigo na si Muhammad Ampaso, na nagsabing siya ang tunay na target ng grupo ni Arimpo.
Bukod kay Arimpo, itinuro ni Ampaso sa pulisya na kasama sa pamamaril ang isa pang suspek na Alyas Saino, na hindi pa nadadakip kasama ang dalawa pang salarin.
Bagaman lumilitaw na onsehan sa pagtutulak ng droga ang dahilan ng krimen, patuloy pa rin umano ang imbestigasyon ng pulisya.
"The victim and the suspect may personal na away before. Apparently last December 8 nag-engkwentro na sila and that the victim was hospitalized," ayon kay Sr.Supt. Johnson Almazan, hepe ng Caloocan police.
Kasabay nito, nagpalabas ng pahayag si PNP Chief Ronald Dela Rosa na kontento siya sa takbo ng imbestigasyon sa kaso kaya hindi niya sisibakin ang mga opisyal ng Caloocan police. -- FRJ, GMA News