ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
3, PATAY DIN SA BULACAN

4, patay sa panibagong insidente ng pamamaril sa Caloocan City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apat katao ang nasawi matapos pagbabaril ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo sa loob ng isang bahay sa Caloocan City.  Sa San Jose del Monte, Bulacan, tatlong lalaki naman ang napatay ng mga pulis matapos umanong manlaban.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing dakong 11:00 p.m. nitong Lunes nang pasukin ng mga salarin ang isang bahay sa barangay 176 sa Caloocan City, na pag-aari ni Jefferson Gacho.  

Napatay ng mga salarin si Gacho, pati ang kinakasama niyang na si Alyas 'Wang," ang 19-anyos na si Michael Lui John Bonrostro at isang alyas J.R.

Ayon sa ina ni Bonrostro,  hindi gumagamit at hindi tulak ng droga ang kaniyang anak.

Nagpupunta lang umano ito sa bahay ni Gacho na malayo nilang kamag-anak.

"Hindi masamang tao yung anak ko, disinuwebe pa lang po 'yon, batang-bata po. Kaya ngayon kung ang mga pumatay sa anak ko mamatay din sana kayo," hinanakit ng ina.

Dagdag ng ginang, nakasakay umano sa dalawang motorsiklo ang apat na salarin na pawang may takip ang mga mukha at naka-jacket na itim.

Sinabi naman ng isang opisyal ng barangay na dati nang na-"Tokhang" ang mga biktima.

Noong nakaraang linggo, pito ang patay sa insidente ng pamamaril sa naturang barangay din sa Bagong Silang sa North Caloocan. (READ: Pito, kabilang ang isang buntis, patay sa pamamaril sa Caloocan)

Samantala,  tatlong sangkot naman umano sa bentahan ng iligal na droga sa San Jose del Monte, Bulacan,  ang napatay ng mga awtoridad matapos manlaban sa isinagawang buy-bust operation.

Sa hiwalay na ulat ni Jay Sabale,  kinilala ang mga napatay na sina Remante Warges, isang alyas Toyo, at isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Ayon sa pulisya, isinailalim nila sa pagmamanman ang mga napaslang matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa bentahan ng iligal na droga sa barangay Muzon.

Nang isagawa  ang buy bust operation, nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon kaya nagkaroon ng putukan na ikinasawi ng tatlo.

Maliban sa mahigit 20 sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu, nakuha rin umano sa mga napaslang ang dalawang kalibre 38, at isang caliber 22 na baril at mga bala. -- FRJ, GMA News

Tags: crime