ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Senior citizen, kabilang sa 4 na napatay sa buy-bust ops sa Caloocan at Quezon City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apat na lalaki, kabilang ang isang senior citizen, ang napatay sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya kontra-droga sa Caloocan City at Quezon City. Ang mga napaslang, pawang nanlaban umano.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA news "Balitanghali" nitong Biyernes, halos magwala ang mga kaanak ng senior citizen na si Benedicto Anas, at isang alyas Jimmy, nang makita ang kanilang mga labi.

Biyernes ng madaling araw nang magsagawa umano ng buy-bust operation ang mga pulis sa BMBA compound sa barangay 120 sa Caloocan City, na nagresulta sa pagkakapaslang sa dalawa.

Tanong mga kaanak ni Anas, paano umano ito manlalaban gayung matanda na at halos buto't balat na.

Hindi na umano nagbigay ng iba pang detalye ang mga pulisya sa nangyaring operasyon.

Samantala, napatay naman sa barangay Sta. Lucia sa Novaliches, Quezon City bago maghatinggabi si Jeffrey David, alyas Jeff Tattoo.

Batay sa impormasyon mula sa pulisya, sinabi sa ulat ni Jay Sabale, na nakatunog umano si David na pulis ang kaniyang katransaksyon sa droga kaya nagpaputok ito ng baril at tumakbo.

Nang maabutan, napatay si David at nakuha rito ang isang kalibre 45 na baril at ilang pakete ng hinihinalang shabu.

Sangkot din umano si David sa pagpatay sa isang alyas Cielo.

Sa hiwalay na operasyon naman sa barangay E. Rodriguez nitong Biyernes ng madaling araw, napatay din ng mga pulis dahil nanlaban umano ang isang alyas Edgar.

Ayon sa mga pulis, nakabili sila ng halagang P500 halaga ng shabu kay Edgar, na nasa drug watchlist umano ng Station 7 ng QCPD. -- FRJ, GMA News