2 pang batang babae, biktima ng karumal-dumal na krimen
Isang limang-taong gulang na babae sa Albay, at isang 10-anyos na babae sa Negros Occidental, ang nadagdag sa listahan ng mga batang babae na naging biktima ng karumal-dumal na krimen ngayong Enero.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing hawak na ng pulisya ang "person of interest" sa pagpatay sa limang-taong-gulang na si Jane Olive Base, sa Daraga, Albay.
Nakita ang bangkay ni Base na may nakapatong na bato sa ulo sa isang masukal na lugar na hindi kalayuan sa kanilang bahay.
Hinihinalang inabuso rin ang biktima dahil wala na siyang saplot na pang-ibaba nang makita.
Ayon sa pulisya, patuloy pa silang nangangalap ng ebidensiya tungkol sa taong may posibilidad na may kinalaman sa karumal-dumal na krimen.
"Mayroon na tayong 'person of interest' sa pangyayaring 'yon, at tayo ay kumakalap pa ng mga ebidensiya para masampahan siya ng kaso," saad ng pulisya.
Samantala, sa isang madamong bahagi naman sa Cadiz City, Negros Occidental na malapit sa sapat nakita ang bangkay ng isang babae na 10-anyos.
Ayon sa mga pulisya, naiwan sa kanilang bahay ang biktima kasama ang kanyang kambal.
Saglit lang umano lumabas ng bahay ang biktima pero nang hindi na nakabalik, hinanap na ito ng kanilang mga magulang hanggang sa makita ang kaniyang bangkay na hindi kalayuan sa kanilang bahay.
Batay sa awtopsiya, namatay ang bata dahil sa pananakal.
Patuloy pa ang imbestigahan ng mga awtoridad sa insidente.
Nitong lang nakaraang linggo, isang pitong-taong-gulang na babae pinatay at ginahasa sa Basay, Negros Oriental, ng isang lalaki na dati na umanong sumuko sa Oplan-Tokhang.
Kasunod nito, isang grade 2 pupil naman na babae ang nakitang patay na malapit sa kanal at may alambre sa leeg sa Concepcion, Tarlac.
Isang kapitbahay na lalaki ang dinakip ng mga awtoridad sa naturang krimen pero itinanggi niyang may kinalaman siya sa nangyari sa siyam-na-taong gulang na biktima. -- FRJ, GMA News