ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Piskal sa Quezon City, patay sa pamamaril


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang piskal ng Quezon City nitong Miyerkules ng madaling araw. Ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad, may kaugnayan sa pera.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Quezon City Prosecutor Roel Mingoa.

Ayon sa isang saksi, galing sa isang bar ang biktima at naglalakad papunta sa nakaparada niyang sasakyan nang tumigil sa tapat niya na isang itim na kotse dakong 1:30 a.m.

Mula sa kotse, isang lalaki ang lumabas na armado ng baril at ilang beses pinaputukan ang biktima kahit nakatumba na.

Matapos ang pamamaril, bumalik sa kotse ang salarin at tumakas.

Nakakuha ang mga imbestigador ng 14 na basyo ng bala mula sa kalibre 45 na baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sinisikap pa ng mga pulis na makuha ang CCTV footage mula sa mga establisyamento sa lugar para makita ang buong pangyayari.

Hindi inaalis ng mga pulis ang posibilidad na maaaring may kinalaman sa kanyang trabaho bilang piskal o hinahawakang kaso ang pagpatay kay Mingoa.

Kabilang din sa tinutukan ng mga imbestigasyon ang tatlong lalaki na huling nakausap umano ng biktima sa isang bar bago siya tinambangan.

May mga text message umano na nakuha sa cellphone ng biktima na ginagamit pa nito bago barilin.

Aalamin din ng mga imbestigador ang salaysay ng misis ni Mingoa na may kaugnay umano sa pera.

"Talagang may meeting du'n, doon sa mga taong kaniyang sinisingil na katransaksyon na parang P3 million yung investment niya," ayon kay P/Sr. Supt. Gullermo Eleaza, Director-QCPD

Si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kinondena ang pagpatay kay Mingoa na dati raw niyang tauhan noong nasa private lawyer pa lang siya.

Inilabas na ng pulisya ang artist sketch ng suspek na sinasabing bumaril at nakapatay sa piskal.

Sinubukan naman ng GMA News na kunan ng pahayag ang pamilya ng biktima pero tumanggi muna silang magbigay ng panayam. -- FRJ, GMA News

Tags: crime, ambush